#WalangPasok: Klase sa Makilala at Kidapawan City, suspendido ngayong Huwebes, Hulyo 11

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 09:51 PM

KIDAPAWAN - Suspendido pa rin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Makilala at Kidapawan City ngayong Huwebes, Hulyo 11.

Ito ay matapos tamaan ng magnitude 5.6 na lindol ang dalawang lugar nitong Martes. Naitala ang epicenter 20 kilometers south at 18 degrees west ng Makilala.

Nakaranas din ang dalawang lugar ng 140 aftershocks mula Martes ng gabi hanggang Miyerkoles ng umaga pero 12 lang ang naramdaman, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sabi din ng Phivolcs na ang pinakamalakas na naitalang aftershock ay nasa magnitude 4.9.

Ayon kay Sonny Fontanilla, Makilala municipal disaster risk reduction and management officer, magpapatuloy pa rin ang gagawing safety inspection sa mga paaralan kaya mananatiling suspendido ang klase.

May mga bitak din ang ilang paaralan sa Kidapawan City, ayon sa mga awtoridad.

Aalamin kung ligtas pang gamitin ng mga mag aaral ang mga silid na nakitaan ng bitak.

Bagamat suspendido ang klase, balik trabaho na umano ang mga empleyado ng mga lokal na pamahalaan ng Makilala at Kidapawan City. 

- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.