VIRAL: Pagtatalo ng MMDA exec at mga pasahero sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 08:03 PM

Nag-viral sa social media ang umano'y bangayan at murahan nina Metropolitan Manila Development Authority traffic czar Bong Nebrija at mga pasahero ng isang bus sa kasagsagan ng rush hour sa EDSA nitong Miyerkoles. 

 

Nangyari ang sagutan nang magalit umano ang mga pasahero ng naturang bus sa "malaking abala" dahil natiketan ang kanilang sinakyang bus sa kanto ng EDSA-Santolan station. 

Tiniketan umano ang bus dahil ayaw nitong kumuha ng pasahero sa tamang lane, ayon kay Nebrija. 

Sa isang Facebook live video na in-upload ni Nebrija sa kaniyang Facebook account, makikitang nakikipagsagutan si Nebrija sa ilang pasahero sa loob ng isang ordinary bus. 

Tila minumura din umano si Nebrija ng ilang pasahero ng bus. 

"Ikaw ang nagpapasahod sa akin, magkano ang tax na binabayad mo? Sandali, magkano ang tax na binabayaran mo? Pambihira, inaayos namin ang EDSA, ayaw niyong sumunod. O sige ireklamo niyo kami," ani Nebrija na tila nakikipagsigawan sa mga pasaherong nakasakay sa bus. 

Minura rin umano ni Nebrija ang ilang mga enforcer dahil sa umano’y pagpapabaya sa bus na kumuha ng mga pasahero. 

Umani ng higit 3,000 likes at 1,600 shares ang video ni Nebrija sa Facebook. 

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Nebrija kung bakit siya nagalit sa insidente. 

"Ginagawa namin ang trabaho namin. Damned if you do, damned if you don't eh,” ani Nebrija. 

Gayunman, sinabi ni Nebrija na hindi sila aatras sa kanilang "no loading and unloading policy."  --Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.