'Pahirap policy' ng LTFRB naging 'paasa' na, ayon sa TNVS drivers

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 04:35 PM

MAYNILA - Tila nauwi pa rin sa wala ang naging diyalogo ng ride-sharing drivers at transport regulators nitong Martes sa Quezon City.

Ayon kay Jun de Leon, chairman ng Metro Manila Hatchback TNVS Community, parang hindi naman sila kinausap ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra.

"Parang sinabi lang niya kung anong gusto niya," sabi ni De Leon sa panayam sa DZMM, Miyerkoles ng umaga.

Una umano ay nawala na ang usapin kung ligtas ba o hindi ang hatchback. Pero ibinalik umano ang usapin hinggil sa masterlist.

Pwede umanong bumiyahe ang mga nasa masterlist. Hindi naman maaaring mag-apply ang wala sa masterlist.

"Ngayon po wala na kami sa masterlist dahil deactivated na kami," sabi niya.

Libu-libong transport network vehicle services ang sumali sa transport holiday para matanggal ang ban sa hatchbacks at maalis din ang mga polisiya na nagpapahirap sa mga ride-sharing driver na makakuha ng permits to operate.

"Lahat ng sagot nila pag naaalanganin sila 'sige paguusapan namin ng mga board member,'" sabi ni De Leon.

Humingi rin aniya ang LTFRB ng isang linggo para "pag-usapan" ang hiling nilang moratorium sa TNVS apprehension.

"Pag-uusapan na naman daw po. Bigyan daw sila ng isang linggo para pag-usapan. Yung pahirap policy, ngayon naging paasa na," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.