Paghahakot ng basura sa Divisoria naantala

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 08:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Natagalan ang paghahakot ng mga basurang iniwan sa tabi ng kalsada sa kahabaan ng Divisoria, Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Kenneth Amurao, ang incoming officer in charge ng Department of Public Service, natagalan sila sa paghahakot ng mga basura dahil na-delay ang pagdating ng mga truck ng mga basura ng kanilang kontraktor.

Ang isa umanong truck ay nasiraan habang ang isa pa ay naipit sa trapiko.

Kasama ng DPS ang Manila Police District sa clearing operations kung saan dinaanan nila ang mga kalsada sa Juan Luna, Asuncion, at Carmen Planas.

Samantala, matapos ang paghahakot ay bobombahin ng tubig ang kalsada para matanggal ang dumi at ang malansang amoy na kadalasan ay galing sa iniwang mga hasang ng isda.

Dagdag naman ni Amurao na papaimbestigahan nila ang pagparenta umano sa mga tindero ng mga upuan at tarima o ang kahoy na pinaglalagyan nila ng kanilang paninda sa Divisoria. 

May isang concerned citizen din ang lumapit sa Radyo Patrol hinggil sa pagdami ng solvent boys sa lugar. Sila umano ang nagnanakaw sa mga nakakatulog na tindera at umaakmang manaksak kapag sinasaway.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.