Isa sa mga 'most wanted' ng Malabon huli matapos ang 7 taong pagtatago

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 12:39 PM

MAYNILA — Arestado nitong Miyerkoles ng umaga ang ika-10 na "most wanted" ng Malabon City matapos umano ang 7 taong pagtatago.

Sa kulungan na ang bagsak ng 24 anyos na si Rommel Casil alyas "Omeng" matapos ihain ng mga pulis ang kaniyang warrant of arrest sa Barangay Tonsuya, Malabon City kung saan daw siya nagtago. 

Kasong frustrated murder ang hinaharap ni Casil na isinampa noong 2012 pa. 

"Nung February 25, 2012 ito. Habang naglalakad ang biktima... napagdiskitihan. Agad na sinugod at sinaksak. Sa kabutihang palad, hindi ito namatay," sabi ni Police Lt. Luisito dela Cruz, hepe ng SWAT unit ng Malabon police. 

Ayon pa kay Dela Cruz, parte umano ang suspek ng isang notoryus na gang sa Malabon na dawit sa iba't ibang ilegal na gawain. 

"Notoryus ang gang [niya] sa Malabon na involved sa panghoholdap at panggugulo."

Pero todo-tanggi naman ang suspek sa mga paratang.

"Hindi ako nagtago... Nadamay lang ako. Iyung kasama ko ang nag-ano," depensa ni Casil.

Nasa kustodiya na ng Malabon police ang suspek at aarangkada na ang kaniyang kaso.

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.