'Di nagtatrabahong opisyal, pwedeng ireklamo: DILG

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 05:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi maiwasang maikumpara ang hakbang na ginagawa ng bagong alkalde ng lungsod ng Maynila para ilagay sa ayos ang siyudad pagdating sa usapin ng illegal vendors, trapiko, at basura.

Kaya naman ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagpaalala sa lahat ng mga bagong upong opisyal na magtrabaho at ipatupad ang batas.

"Lahat ng local chief executives kailangang nagpapatupad ng batas. Pag hindi nila ginawa, meron tayong basehan para sila ay kasuhan. Pangalawa, masyadong nagpakitang gilas si Mayor Isko [Moreno] so naikukumpara sa ibang mga mayor. Yun po ang feedback natin," ayon kay DILG Undersectary Epimaco Densing III.

Sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Densing na kailangan lamang tingnan ng publiko kung nagtatrabaho ang kanilang mayor.

Aminado si Densing na minsan ay mahina ang loob ng mga nauupong opisyal o talagang walang political will para isaayos ang kanilang nasasakupang mga lugar.

"Ang importante dyan, yung nag-aattempt siyang mag-trabaho. Pero pag hindi siya nagtrabaho, pwedeng mag reklamo ang ating mga kakabayan dahil meron na tayong basehan para siya'y tanungin kung bakit hindi siya nagtatrabaho, bakit hindi siya nagpapatupad ng batas," sabi niya.

Dagdag ni Densing, naglabas na rin ng direktiba si DILG Secretary Eduardo Año sa lahat ng local chief executives na kailangan nilang magsumite ng kanilang gagawin sa loob ng first 100 days.

"Very important at first time na mangyayari na ni-rerequire natin mga local chief executives na mag-submit ng program nila ng first 100 days in office," sabi niya.

Para naman sa nais na magreklamo tungkol sa kawalan ng aksyon ng kanilang mga local chief executives, maaari silang dumeretso sa DILG o sa Office of the President para sa highly urbanized cities, independent component cities at mga probinsiya habang sa provincial government naman para sa lahat ng reklamo laban sa municipal mayors.

Pwede ring magsampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman kung ang reklamo ay parehong kriminal at administratibo.

Maaari ring magpaabot ng kanilang reklamo mismo kay Densing sa pamamagitan ng pag-email sa [email protected]

Nasa libo na umano ang natatanggap nilang email report at dahan-dahan nila itong sinusolusyunan.

"So far, sa more than a thousand report meron na kaming naaksiyonan na 500 to 700 so meron pang around 300 na hindi pa gumagalaw," sabi ni Densing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.