Nambomba sa Sulu, unang suicide bomber na Pinoy - AFP, PNP

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 06:19 PM | Updated as of Jul 10 2019 08:54 PM

This undated handout released by the Philippine Military on July 10, 2019 shows Norman Lasuca, whom Philippine security forces have identified as the first Filipino "suicide bomber". Philippine security forces confirmed on July 10 the first Filipino "suicide bomber" attack on the Asian country, warning the Islamic State group was grooming more local prospects for similar actions in the future. Philipine Military Handout, AFP

Ibinunyag ng mga awtoridad ngayong Miyerkoles na Pilipino ang isa sa dalawang suicide bomber na responsable sa mga pagsabog sa isang military camp sa Indanan, Sulu.

Sa press conference ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), kinumpirma ni PNP spokesperson Col. Bernard Banac na ang Pinoy na si Norman Lascua, 20 anyos, ang isa sa mga nagpasabog sa Indanan noong Hunyo 28.

Si Lascua ang kauna-unahang suicide bomber na Pilipino sa kasaysayan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-match ang DNA sample na nakuha mula sa suicide bomber sa DNA ng ina ni Lasuca, ayon kay Banac.

Ayon sa AFP at PNP, taong 2014 pa nang lumayas sa pamilya si Lasuca.

Matapos ang pagsabog, lumapit umano sa mga awtoridad ang ina at kapatid ni Lasuca, kinilala ang kaniyang katawan bilang kaanak nila, at hiningi ang katawan para maipalibing sang-ayon sa tradisyon ng Islam.

Ayon kay Banac, inaalam pa nila kung totoong may kinalaman ang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa pagsabog.

Base raw sa impormasyong natanggap nila, ang Abu Sayyaf Group ang responsable sa pag-atake, ani Banac.

Dahil sa nangyari, iminungkahi ng AFP na irebisa ang ilang probisyon ng Human Security Act, lalong-lalo na ang pagpataw ng P500,000 multa sa mga awtoridad na nagkakamaling magdetene ng suspek.

Gusto rin nilang magkaroon ng karapatang hawakan ang ilang mga suspek ng 30 araw sa halip na 5 araw na nasa ilalim ng kasalukuyang batas.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.