100 kahon ng smuggled na sigarilyo, nasabat

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 10:48 AM

ZAMBOANGA CITY - Nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Customs ang nasa 100 karton ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na may iba't-ibang brand.

Nakuha ang mga ito ng Philippine Coast Guard mula sa mga barkong MV Mama Mia, MV Mary Joy 1 at Asian Star II.

Ang mga barko ay nanggaling sa Jolo, Sulu at papunta na sa Zamboanga City Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa Customs Collector na si Segundo Sigmundfreud Barte Jr., inilagay sa iba't-ibang lalagyan ang mga sigarilyo.

May inilagay sa loob ng karton na may tubig at ice upang magmukhang isda ang laman habang may isinilid din sa loob ng maleta upang magmukhang mga damit at gamit lang ang dala.

"Iba't-ibang concealment ang nangyari. Meron nasa ice, meron dito naman sa case. Sunud-sunod kasi ang huli tumaas ang presyo kaya nagpupumilit din silang makapasok," sabi ni Barte.

Ayon kay alyas Midzfar na may dala ng dalawang maleta na naglalaman ng sigarilyo, nabili niya ang mga ito sa Jolo, Sulu at ibebenta sana sa Zamboanga sa halagang P14,000.

“Oo sa akin, konti lang, panggastos ko lang kasi 'yung ate ko andun sa ospital. Pambili ko lang ng gamot,” sabi niya.

Dagdag pa ng BoC, karamihan sa mga nahuhuling sigarilyo ay galing sa Jolo kung saan binibili ito sa mga bansa gaya ng Malaysia at Indonesia.

Mapanganib umano sa kalusugan ang produktong ito lalo na at hindi alam kung saan ito ginawa.

"Hindi natin sure kung saan galing, kung anong nilagay, so hindi siya safe," sabi ni Barte.

Kasalukuyang binibilang pa ang mga sigarilyo upang malaman kung magkano ang halaga nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang may-ari ng mga sigarilyo at kung sino ang supplier ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.