Pagpaslang sa vice mayor, ikinokonekta sa 'nalalamang katiwalian'

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 11:32 PM | Updated as of Jul 07 2019 04:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring konektado sa hawak na impormasyon ukol sa korupsiyon ang pagpaslang kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan, ayon sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Dumating sa burol ni Lubigan nitong Martes ang PACC at hawak anila ng grupo nila ang isang impormante.

Iniimbestigahan ng komisyon ang posibilidad na pinaslang si Lubigan dahil sa mga nalalaman niyang katiwalian umano bilang presiding officer ng konseho.

"Huwag na tayo maglokohan dito, kasi siyempre madaling sabihin na politika, pero kung may mga leads towards another specific angle then the investigators should look into this," ani Dante Jimenez, chairman ng PACC. 

Nakausap din ng pamilya si presidential spokesman Harry Roque na nakiramay bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"Nakuwento nga sa 'kin na vice mayor pala siya pero wala siyang opisina, wala siyang pondo, wala siyang sariling empleyado," ani Roque. 

Mula sa orihinal na opisina sa main building ng city hall, sa hiwalay na gusali na umano nag-opisina si Lubigan. 

Hirap din umano si Lubigan na kumontra sa city hall kapag may nakikitang mga katiwalian.

"Majority wins po e, tutol man siya o hindi, wala siyang magagawa kundi pirmahan kung ano napagbotohan," ani Meliza Lubigan, kapatid ng biktima.

DEPENSA NG MAYOR

Nasa ibang bansa ngayon si Trece Martires Mayor Melandres de Sagun.

Gayunman, ayon sa chief of staff ni De Sagun na si Raymund Eguillos, naging magkaibigan si Lubigan at De Sagun bago nagkahiwalay ng landas sa politika noong 2016.

"Nagkaroon lang ng tampuhan, pero 'yong tampuhan na 'yan will not result doon sa ganitong gruesome killings," ani Eguillos.

Itinanggi rin niyang tinanggalan si Lubigan ng pondo at empleyado.

"Under the law, mayroon pong budget ang office of the vice mayor. Tinitingnan lang natin na hindi ito excessive, at hindi rin po kami puwedeng magtanggal ng kaniyang mga tao sapagkat 'yan ay plantilla positions," sabi ni Eguillos.

Dagdag pa ni Eguillos, mas malaking opisina pa nga ang pinagawa nila para sa vice mayor at makikita naman sa mga report ng Commission on Audit na walang korupsiyon sa kanilang bayan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsasagawa na ng parallel investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) Cavite sa insidente. 

Hawak na nila ang mga kopya ng kuha ng CCTV kabilang na ang mismong footage habang nasa gym pa si Lubigan.

Politika ang isa sa anggulong tinitingnan ng Task Group Lubigan, pero ang NBI Cavite hindi muna maglalabas ng iba pang impormasyon.

"Concentrate muna kami kasi dito sa Trece [Martires] and then 'yong escape route niya [salarin] pa-Naic," ani James Tosoc, special investigator IV ng NBI Cavite.

Ayon pa sa NBI Cavite, nakikipagtulungan sila sa Calabarzon PNP para makakuha ng mas maraming detalye sa pagpatay.

Ikinatuwa naman ng pamilya Lubigan ang pag-usad ng imbestigasyon.

Wala rin silang alam kung may natatanggap na death threat ang bise alkalde.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.