PAGASA bukas sa konsultasyon hinggil sa suspensiyon ng klase

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 06:57 PM

MANILA - Bukas ang PAGASA sa konsultasyon ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa pagdedesisyon sa pagsususpinde ng klase tuwing masama ang panahon.

Ayon kay weather forecaster Ariel Rojas, sumusunod ang PAGASA sa Executive Order No. 66 na nagsasabi kung aling antas sa paaralan ang mawawalan ng klase base sa storm warning signal.

Awtomatikong suspendido ang klase sa pre-school at kindergarten sa mga pribado at pampublikong paaralan kapag nakataas ang Signal No. 1.

Kapag itinaas ang Signal No. 2, awtomatikong suspendido ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan.

Kanselado naman ang klase sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan oras na itaas ang Signal No. 3.

Ngunit kung walang nakataas na storm signal at inaasahan ang masamang panahon, nakasalalay sa mga local government unit ang desisyon sa pagsuspinde ng klase.

Gayunpaman, inirerekomenda ng PAGASA na kumonsulta muna sa kanila ang mga lokal na pamahalaan hinggil sa magiging lagay ng panahon. 

Bukas umano ang kanilang opisina ano mang oras para sa mga tanong tungkol sa lagay ng panahon.

Nagsuspinde ng klase ang ilang mga lokal na pamahalaan sa iba't ibang siyudad at lalawigan nitong Lunes at Martes dahil sa inaasahang sama ng panahon dulot ng habagat.

 

Nitong Martes ng hapon ay nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong "Gardo" na nakaapekto sa umiiral na habagat na siyang nagdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon sa PAGASA, maaaring magkaroon ng dalawa hanggang apat na bagyo sa buwan ng Hulyo.