House speaker, di masabi kung mayroon o walang halalan sa 2019

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 10:20 PM | Updated as of Jul 07 2019 04:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamara nais paspasan ang cha-cha; Senado di pa ito ikinakalendaryo

Walang deretsong tugon si House Speaker Pantaleon Alvarez kung magkakaroon ng halalan sa 2019 na aniya'y makaaapekto sa pagtalakay ng Kongreso sa itinutulak na charter-change (cha-cha) .

"Hindi ko puwedeng sabihin na wala, hindi ko puwedeng sabihin na mayroon," ani Alvarez.

Gustong gawing priyoridad ni Alvarez ang cha-cha sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Hulyo.

Gayunman, batid din niyang gipit na sa panahon dahil malapit na ang halalan at maghahain na rin ng kandidatura pagsapit ng Oktubre.

Pag-aaralang mabuti ng Kongreso ang panukalang Saligang Batas na isinumite ng Consultative Commission (ConCom).

Maliwanag kasi sa Saligang Batas na kung hindi constitutional convention o people's initiative, Kongreso lang ang puwedeng sumulat ng Saligang Batas na paaaprubahan sa plebisito.

"Hindi naman natin puwedeng basta sabihin na 'o ayan, lunukin niyo 'yan,' di ba? Kinakailangan talagang tama 'yong proseso na dadaanan," ani Alvarez. 

Samantala, hindi raw madaling sabihin ang magiging posisyon ng Senado. 

"It's not that easy to say that we can agree to all or most of what is contained in the proposal," ani Senate President Tito Sotto.

Naniniwala naman ang isang kongresista na babalewalain ng constituent assembly (con-ass) ang pagbabawal ng ConCom sa political dynasty at pork barrel.

"The anti-political dynasty provision and the anti-pork barrel provision proposed by the ConCom has no chance in a constituent assembly. The ConCom draft, whatever its good intention, will be mangled in a con-ass," pahayag ni Caloocan Rep. Edgar Erice. 

"Maaari ring ipasok, na wala dito, na nasa House version, 'yong pork barrel provision," sabi naman ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.

May ilang pagkakaiba ang draft ng ConCom sa mga pinag-usapang isasama sa draft na ilalabas ng Kamara, kahit pareho itong nagsusulong ng pederalismo.

Sa ConCom version, presidential pa rin ang gobyerno, pero sa Kamara, halong presidential at parliamentary na hati sa poder ang pangulo at prime minister.

Magkaiba rin ang dalawang bersiyon sa haba ng termino ng mga opisyal.

Aantayin muna ng mga senador ang rekomendasyon ng Senate committee on constitutional amendments bago hatulan ang cha-cha.

Dati nang nagdesisyon ang mga lider ng Kongreso na aantayin ang resulta ng ConCom bago ang susunod na hakbang.

"Sa ngayon wala akong masasabi na ito'y magiging priority sapagkat una, di pa kami agreed on our calendar," ani Sotto.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.