Higit P7-M halaga ng alahas, gadget natangay sa 'highway robbery'

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 07:37 PM

Natangay ang mahigit P7 milyong halaga ng mga alahas at gadget sa nangyaring highway robbery sa Pagadian City. Screenshot

Natangay ang mahigit P7 milyong halaga ng mga alahas at gadget sa nangyaring highway robbery sa Pagadian City nitong Lunes. 

Ayon sa mga awtoridad, ang mga salarin ay nagpanggap na mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mabilis nakatakas lulan ng isang gray na kotse.

Sa kuha ng CCTV na ibinigay ng Philippine National Police (PNP), makikita ang paglapit ng tatlong lalaki sa SUV kung saan nakasakay si si Addis Ares, area manager ng isang pawnshop, at driver nitong si Renante Ronolo. 

Pinukpok umano ng mga salarin ang salamin ng sasakyan nina Ares, at tinangay ang dala nilang mga rematadong alahas.

Ihahatid sana si Ares papuntang airport upang dalhin ang mga alahas sa kanilang main branch sa Cebu City, ngunit may napansing kakaiba ang mga awtoridad.

"Masyadong mahina ang takbo ng sasakyan nila so that gives us a reason to doubt the manager transporting the jewelry...Dapat mabilis ang pagpapatakbo nila eh," ani Superintendent Alvin Saguban, hepe ng Pagadian police. 

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya sa insidente para sa mabilis na pagkilala at pag-aresto sa mga responsable.

—Ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.