Amang umaming nanggahasa ng anak sa Koronadal, arestado

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 09:23 PM

KORONADAL CITY—Arestado ang isang amang gumahasa sa sariling anak sa lungsod na ito.

Walang kagatol-gatol na inamin ng suspek na ginahasa niya ang kanyang menor de edad na anak.

Depensa ng suspek, nagawa niya ito dala ng kalasingan.

Pinagsisisihan na umano niya ang kaniyang nagawa at payo niya, huwag siyang tularan.

Ayon sa hepe ng Koronadal Police Station na si Supt. Benjiel Kirby Bajo, 16 na taong gulang ang biktima.

"Accordingly, sabi nu'ng victim hindi lang once, parang he's been doing that for the past year," aniya.

Nai-report lamang umano ito sa pulisya matapos mapansin ng ina ng biktima na nag-iba ang pisikal na anyo ng kaniyang anak.

Dito na nagsampa ng reklamo ang ina ng biktima at ang biktima, at saka nakapaglabas ng warrant of arrest laban sa suspek.

Nakatakda nang dalhin sa South Cotabato Provincial Jail ang suspek na maaaring maparusahan ng habambuhay na pagkakabilanggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.