3-anyos na bata hinostage ng tiyuhin

RJ Rosalado. ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 03:46 PM

Agad dinala sa estasyon ng pulis ang suspek matapos itong sumuko. Hindi naman nasaktan ang 3-taong gulang niyang pamangkin na kaniyang ginawang hostage sa Barangay Calarian sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News


ZAMBOANGA CITY - Halos isang oras hinostage ng 49-anyos na welder ang kaniyang 3-taong gulang na pamangkin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Calarian sa lungsod na ito, Martes ng umaga.

Ayon sa pulisya, may dalang patalim ang suspek habang hawak sa kabilang kamay ang bata.

Pero bago kinuha ng suspek ang bata ay pinagsasaksak muna nito ang kaniyang pinsan at isa pang pamangkin sa loob ng kanilang bahay.

Nagalit umano ang suspek sa pinsan dahil sa ipinagkakalat nitong kuwentong kriminal at adik siya, at nadamay lamang ang kanilang pamangkin.

Nang makatakbo ang dalawang biktima palabas ng bahay, doon na sapilitang kinuha ng suspek ang kaniyang batang pamangkin at nagkulong sa loob.

Hindi agad sumuko ang suspek kahit pa dumating na ang mga pulis sa kanilang bahay.

Nakumbinsi naman ang suspek ng bayaw nito na pakawalan ang bata dahil nagugutom na ito. Nangako din ang kaniyang bayaw na hindi siya sasaktan ng kanilang mga kamag-anak at siya mismo ang po-protekta sa kaniya.

Bago pa pakawalan ang bata, humingi muna ang suspek ng biscuit at tubig.

Matapos ang ilang minutong negosasyon, pinakawalan din ang bata na hindi naman nagtamo ng anumang sugat sa katawan.

Sa estasyon ng pulisya, sinabi nitong wala siyang intensiyong saktan ang bata. Aniya, pang-depensa lang umano niya ito sakaling kuyugin siya ng mga kamag-anak dahil sa pananaksak sa pinsan at isa pang pamangkin.

Kinasuhan na ng double frustrated murder ang suspek at paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act dahil sa pangho-hostage nito sa kaniyang pamangkin.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.