2-taong gulang na bata patay sa sakal; amain arestado

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 03:50 PM

Sa patubig na ito natagpuang lumulutang umano ang 2-taong gulang na batang babae. Lumabas sa awtopsiya na pagkakasakal ang sanhi ng pagkamatay ng biktima sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur.


CALABANGA, Camarines Sur – Patay na nang natagpuan ang isang 2-taong gulang na babae na unang inakalang manikang palutang-lutang sa patubig sa Barangay Sta. Cruz sa bayang ito Lunes ng umaga.

Ayon sa lolo, kasama niya ang bata, ina at amain sa isang lamay sa katabing Barangay Binaliw linggo ng gabi.

Nagyaya umanong umuwi na ang amain at tinangay ang bata nang hindi sumama ang ina nito.

Hindi na umano nila inabutan pa ang bata nang kanilang habulin.

Samantala, hinuli naman ng pulis ang suspek sa bahay nito sa Barangay Cabanbanan pero itinanggi niyang pinatay niya ang bata.

Aniya, iniwan lang niya ang bata sa tabi ng ilog bago umuwi dahil alam niyang dadaanan ito ng lolo at ina.

Pero iba ang lumabas na resulta ng awtopsiya sa bangkay ng bata. Nalamang sakal ang ikinamatay nito kaya murder ang ikinaso sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.