2 miyembro ng 'basag-kotse', patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 04:04 AM | Updated as of Dec 12 2019 05:22 PM

MAYNILA - Patay ang 2 hinihinalang miyembro ng basag-kotse gang matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Arboretum Road, Barangay Old Capitol Site, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nirespondehan ng mga tauhan ng district special operations unit ang reklamo ni Lorenz Cordero na ninakawan ng laptop sa kaniyang AUV.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ani Cordero, nadiskubre niyang binasag ang kanang bintana sa likuran ng AUV na nakaparada sa parking lot ng fast food store sa Philcoa.

Ayon kay QCPD Director Joselito Esquivel, tiyempong kumakain din sa lugar ang mga pulis na sinumbungan ni Cordero.

Naitawag nila ito sa mga kasamahang pulis na tumunton sa 2 lalaki na tumawid ng footbridge papuntang Arboretum. 

Sa tabi ng isang nakaparadang jeep, bumagsak ang 2 hindi pa nakikilalang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis.

Narekober sa kanila ang isang kalibre. 38 na baril, kalibre .45 na baril, at MacBook Air ng biktima.

Nakuha naman mula sa isang napatay ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu. 

Paalala ng pulisya sa publiko, iwasang mag-iwan ng mahahalagang gamit sa kanilang mga sasakyan. - ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.