'Unli'-martial law sa Mindanao, iminungkahi, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 09:31 PM

Kung si House Speaker at Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang masusunod, limang taon pa o hanggang katapusan ng termino ng Pangulo sa 2022 ang martial law sa Mindanao.

“I am not saying that it is the official position of the House of Representatives,” ani Alvarez. “What I’m saying is, that is my position.”

Ayon kay Kabayan party-list Rep. Harry Roque, nakasaad sa Saligang Batas na kung hihingi ng extension, bahala na ang Kongreso kung hanggang kailan ang ibibigay. Kailangan lang magkasundo sa botohan ang mayorya ng Kamara at Senado.

“Iyong length naman po, take note, wala nang limitation,” ani Roque. “Ang nakasaad sa Saligang Batas, only the first 60 days is specially mentioned in the Constitution which means its up to Congress to determine how long now.”

Pero rekomendasyon ni Roque sa Pangulo, huwag masyadong mahaba ang martial law para di maapektuhan ang ekonomiya at reputasyon ng bansa.

Giit naman ng Palasyo, rekomendasyon pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police, at iba pang stakeholders ang pakikinggan ng Pangulo.

Bukas ang Senado sa extension, pero ayon kay Sen. JV Ejercito, malabong payagan itong tumagal nang hanggang limang taon.

Sagot din ng AFP, masyadong mahaba ang limang taong martial law sa Mindanao.

Ngayong linggo inaasahang magsusumite ng rekomendasyon ang AFP sa Department of National Defense.

Kontra rin ang Makabayan bloc sa hirit ni Alvarez.

Sabi ni Act Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, lumalabas ngayon na talagang plano ng Pangulo na patagalin ang batas militar sa Mindanao para mapatahimik ang lahat ng kokontra sa palakad niya roon.

Gusto naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na alisin na ang martial law dahil nagkamali ng diskarte ang militar. Hindi na ito dapat pang palawigin, aniya. 

Nagtataka naman si Albay Rep. Edcel Lagman bakit pinag-uusapan ang extension gayong wala pa namang desisyon ang Pangulo.

May 23 nang ideklara ni Pangulong Duterte ang martial law para sugpuin ang Maute group sa Marawi. May bisa itong 60 araw lang at matatapos bago mag-State of the Nation Address ang Presidente sa July 24. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.