'Tulak', patay sa buy-bust sa Maynila

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 04:54 AM

MANILA - Isang hinihinalang tulak ng droga ang napatay nang manlaban umano sa isang buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay 79, Tondo, nitong Lunes.

Ang suspek ay kinilalang si Emil Marcos, 38 anyos, na hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Center.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, target ng Manila Police District Drug Enforcement Unit at District Special Operation Unit ang suspek dahil sa pagtutulak ng iligal na droga sa lugar.

Nakaramdam diumano ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon, kaya't bumunot ito ng baril at pinaputukan ang isang operatiba. 

Agad na gumanti ng putok ang mga nakaantabay na pulis.

Narekober mula sa suspek ang isang .38 kalibreng baril at apat na sachet ng hinihinalang shabu. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.