Pulis na 'protektor' ng ilegal na sabong, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 11:59 AM

2 pang pulis pinaghahanap

MANILA - Inaresto ang isang pulis na nagsisilbi umanong protektor ng ilegal na sabungan sa Barangay Old Capitol Site, Quezon City nitong Linggo.

Ayon sa police Counter-Intelligence Task Force (CITF), ikinasa nila ang operasyon laban kay SPO1 Jefer Sy Butawan at 2 nitong kasamahan matapos silang idawit ng isang barangay kagawad sa pagpapatakbo ng tupada tuwing weekend.

"Iyung report na ibinigay sa amin ng complainant, sila mismo ang nagpapalaro at sila ang nagpo-protect," ani CITF chief Senior Supt. Jose Chiquito Malayo.

Naaresto si Butawan kasama ang 9 na indibidwal, pero nakatakas ang 2 pulis na umano'y kasabwat niya.

Tinutugis na ang 2 pulis pero tumanggi si Malayo na pangalanan sila.

Samantala, umamin naman si Butawan na alam niyang ilegal ang operasyon ng sabong kung saan siya nahuli, ayon kay Malayo.

Nakasuhan na ang suspek ng kriminal at administratibo. Nananatili siya sa kustodiya ng CITF. -- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.