Lalaki, kinakasamang buntis patay nang barilin sa ulo

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 11:05 AM

MAYNILA - Nahuli sa CCTV kung paano hinarang at pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang mag-live in partner sa Barangay Balangkas sa Valenzuela City nitong nagdaang Biyernes.

Dead on the spot sa 5 tama ng bala sa ulo si Richard delos Santos habang walong tama naman ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ni Expe Bonion na dalawang buwang buntis.

Ayon sa kanilang mga kaanak, nagpaalam lang sina Delos Santos at Bonion na bibili ng pandesal mag-a ala-una ng madaling araw nang mangyari ang krimen.

Sa kuha ng CCTV, makikitang hinarang ng 2 motorsiklo ang mag-live in partner na sakay ng biskleta. Isa naman sa mga nakasakay sa motorsiklo ang bumaba at bumaril sa dalawa.

Narekober naman ng pulisya sa crime scene ang isang sachet ng hinihinalang shabu. Napag-alaman din ng mga awtoridad na nasa drugs watchlist ang dalawang napatay.

Aminado naman ang mga kamag-anak ng biktima na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang dalawa. Lagi umano nilang sinasaway ang mga ito pero hindi nakikinig.

"Sumuko na ho 'yan e. Tumigil na ho ng dalawang buwan 'yan e. Tapos heto na naman... Sinasaway namin 'yan e ayaw talaga," kuwento ni Armamdo, tiyo ni Delos Santos.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung taga-Barangay Balangkas lang din ang bumaril kay Delos Santos at Bonion, dahil mistula umanong kabisado nila ang puwesto ng CCTV sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.