Drayber, 18 estudyante naospital nang tumagilid ang school service

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 09:51 AM

MAYNILA - Sugatan ang 18 estudyante at ang kanilang drayber matapos tumagilid ang sinasakyang school service sa northbound lane ng C-5 sa may McKinley Road, Taguig City Lunes ng umaga.

Kinilala ang drayber ng tumagilid na school service na si Jason Bernabe na ngayon ay nasa Taguig-Pateros Hospital kasama ng mga estudyanteng ihahatid sana niya sa Fort Bonifacio Elementary School.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung overloaded o sobra-sobra ang sakay ng school service kaya ito tumagilid, lalo't hindi naman madulas ang kalsada nang ito ay maaksidente.

Bahagyang nagdulot ng pagsisikip ng trapiko ang aksidente pero lumuwag din naman nang agad maialis sa kalsada ang sasakyan. Nasa impounding area ngayon ang naaksidenteng school service.--ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.