Babaeng call center agent, natagpuang patay sa Cebu

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 05:05 AM

PNP handout photo

CEBU CITY - Nakilala na ang babae na pinatay sa isang liblib na lugar sa Barangay Pulangbato sa Cebu City.

Nakita ang katawan ng biktima Lunes ng umaga ng mga residente sa lugar.

Pumunta sa morgue ang pamilya ng biktima at positibo siyang kinilala na si Irene Adolfo, 24 taong gulang, at call center agent.

Wasak ang mukha ng biktima pero nakilala siya ng kanyang ina na si Leah.

Ayon kay Leah, Linggo ng gabi nang magpaalam si Irene upang bumili ng ulam at mag-withdraw ng kanyang sweldo sa Barangay Talamban pero hindi na ito nakabalik ng kanilang bahay.

May nakapagsabi sa kanila na may katawan ng babae na nakita sa liblib na lugar sa Barangay Pulangbato kaya agad silang nagpunta sa mga pulis.

Ayon kay Senior Inspector Arieza Otida ng Talamban Police Station, posibleng hinampas ng matigas at mabigat na bagay ang ulo at mukha ng biktima dahil nabasag ito.

Ayon sa ina ng biktima, posibleng pagnanakaw ang motibo ng krimen dahil wala na ang bag at cellphone na dala ni Irene nang umalis ito ng bahay noong Linggo ng gabi.

Ipapa-autopsy naman ng pamilya ang katawan ni Irene para malaman kung ginahasa ang biktima.

Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ni Irene.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.