2 hinarang sa checkpoint, nahulihan ng baril at bala

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 10:48 AM

MAYNILA - Nakitaan ng mga di lisensiyadong baril at bala ang 2 lalaking sakay ng motorsiklo sa Agham Road, Quezon City bago maghatinggabi ng Lunes.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Andro Motang at Gilbert Galot, na hinarang sa checkpoint sa naturang kalsada dahil wala silang suot na helmet.

Partikular na nakuha sa dalawa ang isang caliber .38 at mga bala. Pero nang hingian sila ng permit to carry, wala nang maipresenta ang mga ito. Wala rin silang certification of registration ng motor.

Agad dinala sa estasyon ng pulis si Motang at Galot dahil bukod sa nahulihan ng armas at mga bala ay mistula pang nakainom ng alak ang mga ito.

Itinanggi naman nilang pag-aari nila ang nakuhang baril at mga bala. May bibisitahin lang umano silang kaibigan sa Timog Avenue. Hindi naman nila masagot kung saan galing ang baril at mga bala.

Nagpakilala naman ang dalawa na empleyado ng isang konsehal. Pero kakasuhan pa rin sila dahil lumabag sila sa batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.