Hinihinalang drug mule tiklo sa GenSan bus terminal

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2016 05:55 PM

Nasakote ang isang hinihinalang "drug transporter" (kanan) sa General Santos City, Linggo.

GENERAL SANTOS CITY - Nadakip ang isang suspek sa pagbibiyahe ng droga nang magsawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa Bulaong Bus Terminal sa lungsod na ito, Linggo ng umaga.

Nakuha sa umano'y drug transporter na si Abdulatip Diocolano, 52, ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P30,000.

Inamin ng suspek na siya ang may bitbit ng droga pero ipinadala lang anya ito ng isang kaibigang mula sa Shariff Aguak.

Ilang pakete ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa suspek.

Giit naman ni Senior Inspector Rodel Javison, hepe ng Maitum Metropolitan Police Service (MPS), kilalang transporter ng droga si Diocolano na matagal na nilang minanmanan.

Dalawang beses na rin anyang nakabili dito ng droga ang isang pulis na nagkunwaring buyer.

Ipinagkanulo umano si Diocolano ng isa pang tulag-droga na naaresto rin ng Maitum Municipal Police nitong Biyernes, dagdag ni Javison.

Nahaharap si Diocolano sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Nasukol ang suspek sa pangunguna ng mga pulis mula sa Sarangani at Maitum, gayundin ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group ng General Santos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.