Pinoy seafarer nawawala sa barko galing China, South Korea

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2022 07:33 PM | Updated as of Jul 09 2022 10:20 PM

Ang nawawalang seafarer na si Kristofferry Tañeca. Kuha ni Atasha Edaj
Ang nawawalang seafarer na si Kristofferry Tañeca. Kuha ni Atasha Edaj


Nawawala ang isang Filipino seafarer na sakay sa isang barkong bulk carrier na naglalayag mula sa China at South Korea patungo sa Canada.

Batay sa post ng iba't-ibang seafarers' group sa social media, kinilala ang nawawalang Pinoy na si Kristofferry Tañeca, 36 anyos, 3rd officer, at tubong Surigao.

Sakay umano ito ng isang Panamanian-registered vessel na umalis sa Port of Caofeidian sa China noong June 27 at dumaan sa South Korea bago muling naglayag patungong Canada.

Pero ayon sa post ng pinsan nito na si Atasha Edaj, inuulat ng kapitan ng barko na nawawala si Tañeca nitong July 7, 10 araw matapos na makapaglayag ang barko.

Direkta umanong tumawag ang kapitan ng barko sa misis ni Tañeca at ipinagbigay-alam ang nangyari.

Agad pinuntahan ng magulang ang agency ni Tañeca sa Pasig City, pero wala pang maibigay na direktang sagot ang agency dahil wala pang final report ang kapitan.

Humihingi ngayon ng tulong ang pamilya ng nawawalang seafarer sa mga ahensya ng pamahalaan na maliwanagan ang totoong nangyari kay Tañeca. - ulat ni Ronilo Dagos