Ilang lugar sa Baao, Camarines Sur, nalubog sa baha

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2022 07:38 PM

Kuha ni Ronalyn Sabularse Casco
Kuha ni Ronalyn Sabularse Casco

Nalubog sa baha ang ilang lugar sa bayan ng Baao, Camarines Sur nang bumuhos ang malakas na ulan nitong Sabado ng hapon.

Sa video ni Kim Kelma Pelencia-Bayra kaninang 3:05 ng hapon, kita ang pagragasa ng tubig-baha na may kasamang putik mula sa bundok, patawid sa national highway sa boundary ng mga barangay ng Sta. Teresita at San Isidro.

Nagdulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko ang flash flood. Binaha rin ang paaralan sa lugar.

Nalubog din sa baha ang mga barangay sa poblacion ng Baao gaya ng San Ramon, Del Rosario, San Nicolas, San Jose at San Francisco na mga nasa low-lying areas.

Abot-bewang ang tubig sa mga kalye habang hanggang tuhod ang baha sa national road.

Ayon sa deputy police chief na si Jose Ablan II, sa kabila ng dagliang pagbaha, passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga daan papasok at palabas sa bayan. 

Inaasahan na magiging mabilis ang paghupa ng baha dahil tumigil na ang ulan. - Jonathan Magistrado