PatrolPH

Tricycle at police mobile, nagbanggaan sa Isabela; 1 patay

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2021 01:46 AM

Patay ang isang lalaki matapos na mabangga umano ng sinasakyan nitong tricycle ang police mobile sa national highway ng Barangay Bugallon Norte, Ramon, Isabela Miyerkoles. 

Kinilala ang nasawi na si Feliciano Obra Jr., na residente sa nasabi ring lugar.

Ayon sa Ramon Police Station, nakatalaga ang police mobile sa 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company. 

Binabaybay ng police mobile ang timog na direksyon habang nasa kasalubong na direksyon ang tricycle. Bigla umanong lumiko pakaliwa ang tricycle na naging dahilan para mabangga nito ang police mobile.

Hindi rin umano nagbigay ng warning sign o babala ang tricycle na liliko ito, batay pa sa imbestigasyon ng pulis.

Naisugod sa ospital ang biktima, pero binawian ng buhay habang ginagamot. 

Nagkausap na ang pamilya ng namatay at ang pulis na nagmaneho ng police mobile para sa posibleng pag-aayos. 

- ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.