PatrolPH

Meralco may taas-singil sa ika-4 sunod na buwan ngayong Hulyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2021 01:57 PM | Updated as of Jul 09 2021 03:33 PM

Meralco may taas-singil sa ika-4 sunod na buwan ngayong Hulyo 1
ABS-CBN News/File

MAYNILA (UPDATE)- Tataas ang singil ng kuryente sa July bill ng Meralco, anunsiyo ng power distributor nitong Biyernes. 

Ito na ang ika-4 na sunod na buwan na nagkaroon ng taas-presyo ang Meralco, na electricity provider ng Kalakhang Maynila at ilang karatig-lugar. 

Itataas nang P0.235 kada kilowatt hour ang singil sa kuryente ngayong buwan.

Katumbas ito ng P47 sa mga kumokonsumo ng 200 kWh, P70 sa mga may konsumo ng 300 kWh, P94 sa mga kumokonsumo ng 400 kWh at P117 sa mga kumokonsumo ng 500 kWh. 

Dahil ito sa pagsipa ng presyo ng kuryente sa spot market at ilang suppliers.

Nauna nang nabanggit ng Meralco na may inaasahang taas-singil sa harap ng paglakas ng konsumo sa init ng panahon noong Hunyo. 

May ilang electric cooperatives na rin na nagpatupad ng P1 hanggang P3 kWh dagdag-singil noong Hunyo. 

Para sa Bayan Muna, mauulit lang palagi ang serye ng dagdag-singil sa kuryente dahil hindi naman umano napaparusahan ng Energy Regulatory Commission ang pumapalyang power plants. 

"Power rate hikes due to the perennial practice of simultaneous power plant shutdowns by generation companies will continue to pester and burden our consumers for as long as the Energy Regulatory Commission fails to effectively penalize them for gaming the electricity market,” ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Handa naman daw ang Meralco na itigil ang disconnection o putulan ng koneksyon partikular na sa mahihirapang bayaran ang bill ngayong buwan kung iuutos ito ng ERC. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.