MAYNILA - Nasa kamay na ng lokal na pamahalaan ang desisyon kung nais nilang gawing requirement pa rin ang RT-PCR test result sa mga biyahero na papasok sa kani-kanilang lugar.
Ito ang naging pinal na desisyon ng Inter-Agency Task Force matapos ang kanilang naging pulong nitong Huwebes kasama ng ilang opisyal ng mga lokal na pamahalaan.
Matatandaan kasing naglabas noong ang IATF ng direktibang hindi na kailangan ang RT-PCR test result sa mga byaherong fully vaccinated na, pero inalmahan ito ng ilang LGU officials.
“The final agreement there is to give the LGUs the option to require RT-PCR testing," ani Health Secretary Francisco Duque III.
“We will give them the option because they will make their own risk assessment, being the local chief executives of their respective jurisdictions,” dagdag pa ni Duque.
Isang isyu ng mga lokal na opisyal ang pagberipika ng vaccination cards gayong iba-iba ang itsura nito kada LGU.
Inaayos na rin ito ng gobyerno ani Duque.
“They can require, depending on the option that they wish to exercise, kung gusto nilang vaccination card, siyempre ang naging issue sa vaccination card iyong authentication at validation. So iyong DICT is working on digital certification ng vaccine certification and by July 31st their commitment is be able to upload and encode 90 percent of the total vaccinated individuals," aniya.
RELATED VIDEO
IATF, fully vaccinated individuals, travel protocols, IATF, Inter-Agency Task Force, RT-PCR test, swab test, turismo