Mula sa Philippine Coast Guard
MAYNILA - Nagsama-samang sumisid ang ilang grupo sa isang underwater cleanup drive na isinagawa sa Boracay Island sa Malay, Aklan noong nakaraang linggo.
Pinangunahan ito ng Philippine Coast Guard Station Aklan, Special Operation Unit Aklan at PCG Sub-Station Boracay bilang pagdiriwang sa 38th Founding Anniversary ng PCG Western Visayas.
Sinamahan din sila ng volunteer divers ng Boracay Business Administration of Scuba Shops.
Pag-iingat sa marine environment ang isa sa mga itinataguyod ng aktibidad kaya sa underwater cleanup, nakakuha ang divers ng iba’t ibang klase ng basura tulad ng mga plastic, bote, gulong, ilang mga kable at tubo.
Umabot sa 350 kilo ng basura ang nahakot sa cleanup drive na malaking tulong para mapanatili ang ganda ng karagatan at mapangalagaan ang marine biodiversity.
Maaari kasing may makain o may mga kemikal ang mga naturang basura na delikado sa mga isda at ibang marine life.
Ayon sa PCG, kahit may pandemya, hindi pa rin dapat napababayaan ang kalikasan at patuloy pa rin itong protektahan.
-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Teleradyo, Kabayan, Tagalog news, Regional news, Regions, Philippine Coast Guard, PCG, Boracay Island, Malay, Aklan, underwater cleanup drive, cleanup, trash, garbage, basura