Members of the PNP keep watch over people apprehended for violating COVID-19 quarantine restrictions at the Amoranto Stadium in Quezon City on July 8, 2020. The offenders will be required to pay a fine and attend a seminar on coronavirus before being released. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA — Umabot sa 874 katao sa Quezon City ang nahuli noong Miyerkoles sa inilunsad na sorpresang "one-time big-time" operasyon ng lungsod kontra sa mga lumalabag sa kanilang face mask ordinance.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City local government at Quezon City Police District (QCPD).
Ayon kay QC Department of Public Order and Safety head Elmo San Diego, hinuli ang mga ito dahil hindi sila sumunod sa Executive Order No. 25 at City Ordinance No. 2936 na layong igiit ang pagsusuot ng face mask sa gitna ng pandemyang COVID-19.
"We want the public to know that we are serious in implementing these policies for the safety of Quezon City residents... Sayang lang ang mga kautusang ito ng ating lungsod kung hindi natin ipatutupad dahil ito’y para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat," ani San Diego.
Dinala ang mga violator sa Amoranto Sports Complex kung saan sila binigyan ng seminar kung paano ang tamang pagsusuot ng face mask.
Pinakawalan din ang mga violator, puwera lang sa 2 na natuklasang may mga epektibong warrant of arrest sa iba't ibang krimen.
Nakatakda namang sampahan ng reklamo ang violators sa QC Prosecutors Office kung saan maaari silang pagmultahin mula P1,000 hanggang P3,000 depende kung pang-ilang offense na.
Isa sa mga nahuli noong Miyerkoles ang mamamahayag na si Howie Severino, isang COVID-19 survivor, matapos niyang pansamantalang ibaba ang kaniyang face mask para uminom matapos magbisikleta.
Noong Miyerkoles din, inanunsiyo ni QC Mayor Joy Belmonte na positibo siya sa COVID-19.
Ang lungsod ang ikalawa sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa bansa, sunod sa Cebu City.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.