Backriding papayagan ng gobyerno sa mga mag-asawa

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 12:10 PM | Updated as of Jul 09 2020 05:15 PM

MAYNILA (2ND UPDATE) - Papayagan na ng gobyerno ang backriding sa pagitan ng mga mag-asawa simula Hulyo 10, ayon sa Inter-Agency Task Force ngayong Huwebes. 

Unang nabanggit ni Department of the Interior and Local Government chief Eduardo Año na papayagan ang mga mag-live-in partner basta’t may protective shield sa pagitan ng nagmamaneho at ng umaangkas at mapapatunayan ng mga pasahero na sila ay naninirahan sa isang bubong. 

"Simula bukas, papayagan na natin 'yung backriding para sa mga couple at 'yung prototype model na isinubmit ni Gov. Art Yap ay approved na ‘yan ng NTF (National Task Force)," ani Año sa panayam sa Teleradyo, umaga ng Huwebes. 

Pero taliwas sa pahayag ni Año, sinabi ni ni Presidential Spokesman Harry Roque na papayagan lang ang backriding para sa mga kasal na. Dapat din aniyang magpakita ng ID o kaya patunay gaya ng photocopy ng marriage contract ang magsasagawa ng backriding. 

"Uulitin ko po, ang naapprove in principle ay iyong mga mag-asawa. [Kailangan lang] ng ID card at [photocopy] ng marriage contract. Hindi naman po kailangan original pero ang naparating ni Año at Galvez limitado sa mga mag-asawa," ani Roque. 

Unang nabanggit ni Año na bumuo sila ng technical working group para sa mga mga isinasagawang prototype para sa mga protective shield upang masigurong walang mahahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nakasakay. 

"May barrier, handle sa side nung barrier at lalampas hanggang ulo niya yung barrier, at para masigurong walang laway dapat may mask at helmet ‘yung ating passenger at rider," ani Año.

Maaalalang ipinagbawal ang backriding para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Kabilang sa mga ipinagbawal ang pag-angkas sa mga motorsiklo, maging ang pagpapatakbo ng motorcycle taxis. 

Ilang beses na ring umapela ang ilang local government officials na payagan ito sa kanilang lugar pero ipinagbabawal pa rin ito ng gobyerno. 

'NAKAKASAGABAL' 

Pero para sa ilang nagmomotorsiklo, makakaapekto sa mga nagmamaneho ang ikakabit na protective shield. 

Ayon sa nagmomotorsiklo na si Herbert Jason Galsim, hindi hulma ang motorsiklo sa iminumungkahing barriers. 

"Hindi necessary ang may hawak-hawak pang ganoon. Unang-una, kung angkas mo na ay wife mo, enough na ang full-faced helmet at surgical mask," ani Galsim. 

Mas makakaaksidente pa nga raw ito, dagdag niya.

"Hindi designed ang motorsiklo na lagyan nang ganoon. Baka maging case pa ng accident kasi ang motor ay designed for rider and backride," ani Galsim. 

"'Pag nasa motor, 'yong wind magiging cause ng off-balance 'pag kinokontra ang hangin. Against the wind kasi," aniya. 

Sang-ayon naman dito ang isa pang nagmomotorsiklo na si Ruth Lopez. 

"Nakakaabala sa likod. Maaaksidente pa. Imbes na nakakapit ka sa asawa mo," aniya. 

Inaayos na rin ng Joint Task Force COVID Shield ng PNP ang mga panuntunan para payagang makadaan sa mga quarantine control points ang mga magkaangkas. 

"Maganda ito sapagkat talagang protektado 'yung passenger pero s'yempre kailangan dito ang pag-iingat sa pagda-drive. Dapat susunod talaga tayo sa speed limit at saka kakaibang panahon ito, nabago natin configuration ng motorsiklo kaya dapat dobleng pag-iingat sa pagda-drive,” dagdag niya. 

Paalala ni Año, dapat mag-ingat ang mga magmamaneho lalo na't may barrier na ngayon na haharang sa pagitan ng rider at ng mag-aangkas. 

tumatanggap pa rin ang IATF ng iba pang disenyo at proposal para sa mga proteksyon ng mga pasahero.  -- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.