Suspek sa pagpatay ng taxi driver sa Pasay arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 05:24 AM | Updated as of Jul 09 2019 06:35 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Nahuli na ang suspek sa pagpatay at pagnanakaw sa isang taxi driver sa Pasay City.

Naaresto si Daniel Sabado noong Hulyo 6 dahil sa ilegal na pag-barker at sa presinto doon na siya umamin sa krimen.

"Palong-palo na po ako nun. Naka-rugby po ako, naka-solvent, naka-shabu, naka-chongke pa ako... Kaya ko nagawa 'yung krimen na 'yun dahil pangkain lang namin, pangdroga lang namin," aniya.

Ayon kay Police Senior Master Sgt. Giovanni Arcinue ng Pasay City police, tumugma sa imbestigasyon nila ang salaysay ng suspek.

Natagpuang patay sa loob ng pinapasadang taxi si Edgardo Egan, 54 anyos, sa FB Harrison St., Pasay City noong Hunyo 12.

Tadtad siya ng saksak sa katawan at nawawala ang kaniyang cellphone at dashcam.

Nagpapasalamat ang pamilya ni Egan sa pagkakahuli ng suspek.

"Pinagdasal namin siya na mabigyan ng hustisya kasi wala naman siyang kagalit," ani anak ni Egan.

Napag-alam na kalalaya lang ng suspek sa kasong droga nitong Abril. Mahaharap siya ngayon sa kasong robbery with homicide.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.