Suspek sa pagpatay ng Grade 7 student sa Laguna arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 09:49 AM | Updated as of Jul 09 2019 06:56 PM

Naaresto nitong Martes sa Calamba, Laguna ang suspek sa pagpatay ng estudyanteng Grade 7 sa kanyang eskuwelahan sa naturang lungsod, ayon sa pulisya.

Binaril ng 2 beses sa loob ng paaralan ang 15 anyos na estudyante noong nakaraang Huwebes, Hulyo 4.

Naaresto ang 36 anyos na suspek na si Renando Estorpe Valderama matapos itong isumbong ng isang residente na namataan ang suspek na naglalakad sa riles ng tren, ayon kay Police Col. Eleazar Matta, provincial director ng Laguna police.

Dati na ring sinabi ng pulisya na galit at selos ang tinitingnan nilang motibo sa krimen. Nauna na ring kinasuhan ng sexual abuse ang suspek ng biktima 2 araw bago ito mamatay.

May bitbit pa umanong caliber .38 na baril na may 4 na bala ang suspek nang maaresto. Ang baril umano ang ginamit sa sa pagpatay sa biktima sa loob ng classroom.

Magkakasunod na suntok ang inabot ng mukha ni Valderama mula sa tiyuhin ng biktima nang iharap ito sa press conference noong umaga.

Sinabi ni Valderama sa mga pulis na 5 araw siyang nagtago sa bundok sa Barangay Masili at umiinom lang ng tubig sa Laguna Lake.

Bumaba raw si Valderama ng bundok para maghanap sana ng pagkain dahil sa matinding gutom.

Umamin umano ang suspek sa krimen, pero giit niya na tinutukan niya lang ng armas ang biktima para takutin ito at hindi sadya ang pamamaril.

"Hindi ko iniisip na patay siya... Ang intensiyon ko sa kaniya takutin lang 'yung tutok ko ng baril sa tiyan. Biglang nakalabit ko. Bigla siyang yumuko hindi ko alam na tinamaan siya sa ulo bigla na lang siyang tumumba," ani Valderama.

Ayon sa suspek, na itinuturong karelasyon ng biktima, matindi ang naging pagseselos niya at hindi niya raw matanggap na ipinagpalit siya sa iba matapos ang higit 3 buwang relasyon.

Humingi rin ng tawad ang suspek pero hindi ito napagbigyan.

Murder at illegal possession of firearms ang kasong kinahaharap ng suspek.

Patay na ang ama ng biktima, habang ang ina ay nakakulong dahil sa ilegal na droga, kaya umaapela ang kaniyang kaanak na sana bago mailibing ang biktima ay mapayagan na makadalaw ang kaniyang ina sa burol.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.