Reklamong sustento laban sa mga pulis, batid ng Napolcom

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 03:13 PM | Updated as of Jul 09 2019 03:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Batid ng National Police Commission ang problema hinggil sa pagdami ng bilang ng mga pulis na inirereklamo dahil sa 'di sapat na pagbibigay ng sustento sa kanilang mga pamilya lalo na't tinaasan na ang kanilang mga sahod.

Sa tala ng Women and Children Protection Center ng Philippine National Police, nasa 36 na ang bilang ng mga PNP personnel na inirereklamo ng economic abuse o non-support o insufficient support ng kanilang mga pamilya sa first quarter ng taong ito.

Noon 2017, ang bilang na ito ay nasa 215 at tumaas naman noong 2018 na nasa 301.

Ayon kay Atty. Rogelio Casurao, vice chairman & executive officer ng National Police Commission, dapat maturuan ang mga pulis at kanilang maybahay sa tamang paghawak ng pera nang hindi mauwi sa reklamo ang sahod na naiuuwi sa kanilang mga pamilya.

"To me it's a matter of financial education. Kasi the amount of money you have in your disposal will depend on how you manage it. Otherwise, hindi po matatapos ang reklamo ng ating mga pangangailangan," sabi ni Casurao.

"Tingin ko d'yan misplaced siguro ang pag-iintindi ng ating mga kapulisan na kapag ikaw ay tumaas ang kita, sahod na tinatanggap mo ay dapat ma-misplace yung pagiintindi mo kung anong tamang financial management sa kita mo," dagdag niya.

May mga pamilya ang nanghihingi ng dagdag-sustento matapos din itaas ng gubyerno ang sahod ng mga pulis.

Pero sabi ni Casurao magiging problema talaga kung hindi batid ng pulis kung ano ang baseline ng pangangailangan at kung ano ang sapat at 'di sapat para sa kaniyang pamilya.

"Kahit triplehin sweldo mo hindi sasapat talaga 'yan dahil sa mali ang pananaw mo sa economic aspect ng iyong profession bilang isang pulis," aniya. 

Dahil dito, naniniwala siyang matutulungan ang mga pulis at pamilya nila kung maging bahagi ng kanilang training ang proper handling ng finances.

Bukod dito, dapat din aniyang makita ng maybahay ng mga pulis ang exponential increase at aktuwal nilang pangangailangan.

"Given the present rate ng sweldo ng mga pulis ngayon, kung talagang maluho rin ang pananaw mo sa buhay hindi rin sasapat 'yan. Kaya itong mga misis din natin dapat naiintindihan rin kung anong ang reyalidad tungkol sa inflation rate at saka 'yung sweldong tinatanggap ng kanilang mga mister," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.