PANOORIN: Vendor, nagra-rap ng inilalakong paninda

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 01:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

ILIGAN CITY – Agaw-pansin ang kakaibang paraan ng isang tindero sa kaniyang paglalako ng tinapay.

Habang nagpapadyak sa kaniyang bisikleta, sinasabayan ni Pedro Mariquit ng pag-rap ang pagtitinda ng tinapay na kung tawagin ay binangkal.

“Masarap at malinis ang paninda niya. Nakakatuwa rin dahil nakukuha niya ang atensyon nga tao,” sabi ng suki niyang si Nene Gaite.

Ayon naman sa asawa niyang si Nene Mariquit, naiinis siya sa ginagawa ng asawa noon pero kalaunan ay sinuportahan na rin niya ang hilig ng asawa.

Sariling komposisyon ni Pedro ang ginastusan pa para makapag-recording sa radio station.

Bago pasukin ni Pedro ang pagnenegosyo, sumali na rin siya noon sa Pilipinas Got Talent Season 5 kasama ang kaniyang anak. Napahanga nila ang mga hurado pero hindi pinalad na makapasok sa finals.

Kahit may negosyo na, hindi itinigil ni Pedro ang pagkanta. Sa katunayan, nagko-compose rin siya ng mga worship song.

“Gusto kong ipakita ang talentong bigay ng Diyos sa akin,” sabi ni Pedro.

Dahil natutuwa sa kaniya ang mga mamimili, kadalasan hindi na nila hinihingi ang kanilang sukli.

Ito man ngayon ang ikinabubuhay ng pamilya, hindi naman raw sila nagmamadaling mag expand ng negosyo.

Para sa pamilya, may ilalaang tamang panahon para rito ang Panginoon.

“May season si God para sa lahat ng bagay,” sabi ng misis niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.