PatrolPH

P500K pabuya alok para sa makapagtuturo sa pumatay sa opisyal sa Isabela

Darlene Gemino, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 08:13 PM | Updated as of Jul 09 2019 08:39 PM

P500K pabuya alok para sa makapagtuturo sa pumatay sa opisyal sa Isabela 1

SAN MATEO, Isabela - Umabot na sa P500,000 ang alok na pabuya ni Isabela Vice Governor Bojie Dy para sa makapagtuturo sa bumaril sa municipal administrator ng bayang ito na si Napoleon Hernandez.

"Ngayon personal akong nag-ooffer ng 500,000.00 kung sino ang makakapagturo sa mga salarin, wala po tayo sasantuhin basta makuha ang hustisya para kay Nap," ani Dy.

Lunes noong nakaraang linggo nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin si Hernandez.

Bago naging municipal administrator ng bayan, nagsilbi itong punong barangay, naupong ex-officio member sa Sangguniang Panlalawigan nang maging ABC President, at naging farmer sectoral representative din si Hernandez.

Daan-daang tagasuporta ni Hernandez ang dumalo sa necrological service na isinagawa nitong Martes.

Bilang pasasalamat sa kabutihan ni Hernandez, nangako ang ilang opisyal ng lalawigan na gagawin ang lahat para mabigyan ng katarungan ang kaniyang pagkamatay.

Nag-rally din ang mga supporter ni Hernandez para manawagan ng hustisya.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Nakatakdang ilibing si Hernandez ngayong Miyerkoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.