Kaso ng dengue sa Cotabato tumaas ng 208 porsiyento

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 06:27 PM | Updated as of Jul 09 2019 06:51 PM

Umakyat ang bilang ng mga kaso ng dengue sa lalawigan ng 208 porsiyento. Screengrab

KIDAPAWAN CITY - Umabot na sa 3,350 ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Cotabato mula Enero hanggang Hulyo nitong taon, ayon sa tala ng Integrated Provincial Health Office.

Mas mataas ito ng 208 porsiyento kumpara sa 1,089 cases ng kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bukod pa dito, tumaas din ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue at mga kumplikasyong dala nito na umabot na sa 14 ngayong taon kumpara sa 5 naitala noong 2018. 

Panawagan ng Provincial Health Office na ugaliin ang paglilinis sa paligid, paghahanap at pagsira sa mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue, self-protection, early consultation at pag-iwas sa indiscriminate fogging.

Sa impormasyon naman mula sa Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, isa ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa mga naging dahilan ng pagdedeklara ng state of calamity sa buong probinsiya nitong unang quarter ng taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.