PatrolPH

Ilang beauty product sa Baguio, may mataas na mercury at lead content

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 03:35 AM

BAGUIO CITY—Lumabas sa pagsusuri ng grupong EcoWaste Coalition na mataas ang mercury at lead content ng ilang cosmetic product na kanilang nabili sa Baguio City.

"Doon sa findings natin, out of 15 skin whitening creams na nakitaan natin, 14 dito ay may taglay na mercury na kung saan ay umaabot na ang range nito ay 970-23,700 parts per million (PPM). Ito ay sobra-sobra talaga na concentration ng mercury doon sa limit na isinet ng ASEAN cosmetic directives na 1 part per million," ani Thony Dizon, chemical safety campaigner ng EcoWaste Coalition.

Maging ang mga lipstick, nagpositibo rin sa mataas na lead content. Nabili raw nila ang mga ito sa halagang P50 hanggang P280 kada piraso.

Ayon sa isang eksperto, may negatibong epekto ang mga ito sa balat lalo na kung madalas ang paggamit.

"In majority of patients walang mangyayari pero pagpaulit ulit mo siyang ginagamit, maga-accumulate kasi 'yan to the skin at magkakaroon ng toxic effect. So sila 'yung nagkakaroon ng neurologic problems, 'yung iba naman nagkakaroon ng manipis na skin, nagkakaroon ng impeksiyon," ani Dr. Faith Kishi General, isang dermatologist.

Sa pag-aaral din ng World Health Organization (WHO), pangunahing epekto ng paggamit ng mga produktong hindi organiko tulad ng mga pampaputing sabon o cream ay ang pagkakasakit sa atay.

Paalala sa publiko, bumili lamang sa mga lehitimong bilihan ng cosmetic products. Dapat din daw suriin kung may nakakabit na listahan ng ingredients sa mga produkto, at alalahaning hanggang 3 buwan lamang maaaring gamitin ang mga cosmetic product oras na mabuksan.

Kahapon, nagpadala na ng sulat sa pamahalaang lungsod ng Baguio ang EcoWaste Coalition para humingi ng aksiyon hinggil sa lantarang pagbebenta ng mga delikadong produkto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.