DOH: Bilang ng dengue cases halos doble sa 2019

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 07:16 PM

Lumobo ang bilang ng mga nagkaroon ng dengue sa unang 6 na buwan ng 2019, ayon sa Department of Health. 

Sa datos ng ahensiya, aabot sa 98,179 ang bilang ng kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo 2019 at aabot sa 428 sa mga ito ang naitalang patay. 

Mas mataas ito kumpara sa higit 53,475 kaso sa parehong panahon noong 2018. 

Sa Iloilo, kung saan nakataas ang dengue outbreak, nagkakaubusan ng mga hospital bed dahil sa dami ng mga pasyente sa Ramon Tabiana Memorial District Hospital. 

Aabot sa 4,306 kaso ng dengue ang naitala sa Iloilo mula Enero hanggang Hunyo, kung saan 20 na ang namatay. Mas mataas ito kumpara sa 400 kaso ng dengue sa nasabing panahon noong 2018.

Sa Cotabato, umabot sa 3,350 ang kaso ng dengue sa buong probinsiya mula Enero hanggang Hulyo - na higit doble ang itinaas kumpara sa 1,089 kaso sa nasabing panahon noong 2018. 

Sa Caraga region, 6,100 dengue cases na ang naitala sa unang 7 buwan ng 2019 kumpara sa 1,869 naitala sa kaparehong panahon noong 2018. 

Aabot naman sa 10,290 ang kaso ng dengue sa Northern Mindanao kumpara sa higit 6,000 noong 2018 mula Enero hanggang Hulyo. 

Ipinapayo naman ni Dr. Richard Mata, Consultant for Dengue ng World Health Organization na uminom nang maraming tubig ang mga pasyente para tumaas ang kanilang platelet count. 

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mayroong bagong dengue vaccine na isinailalim sa clinical trial pero nilinaw niya rin na wala pa syang dagdag na detalye tungkol dito.

"It’s not a question of whether we should look for it (vaccine on dengue). The question is, is there anything that’s available? There is one that is being clinically tried. But how complete the clinical trials have been, I don’t have the answer," ani Duque sa isang press conference.  --May ulat nina Arianne Apatan at Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.