ALAMIN: Parusa sa mga magsasanla ng passport

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2019 01:00 PM | Updated as of Jul 09 2019 01:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay isiniwalat ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong na may aabot sa 1,000 Pilipino ang nakumpiskahan ng passport matapos nila itong isanla para makautang ng pera.

Ano nga ba ang naging paglabag nila rito?

Ayon kay Atty. Noel Del Prado sa "Usapang de Campanilla" nitong Lunes, maaaring kasuhan ng paglabag sa Philippine Passport Act of 1996 ang mga nagsangla ng kanilang passport.

Paliwanag ni Del Prado, ang passport ay isang dokumento na "ipinagkakatiwala" lang ng gobyerno sa kanilang mag mamamayan kaya hindi ito maaaring ibigay sa kung sino man.

"Maaari lamang niyang isuko sa pamahalaan o kinatawan ng pamahalaan ang passport," ani Del Prado.

"Ang lahat ng pasaporte natin ay pag-aari ng ating gobyerno. Tayo bilang mamamayan tagahawak lang nito," dagdag niya.

Ayon pa kay Del Prado, awtomatikong ika-cancel ang passport ng mga nagsangla nito sa unang offense at kung sakaling mag-a-apply ulit ang nagsanla ay 5 taon na lang ang validity ng bagong passport na ibibigay sa kaniya.

Sa pangalawang offense, one way pass na lang pabalik ng Pilipinas ang ibibigay at sa Pilipinas na lamang ito maaaring makakuha ng panibagong passport.

Kung mapapatunayan naman sa korte ang kanilang sala, may multang P60,000 hanggang P150,000 at pagkakakulong na 6 hanggang 15 taon ang sino mang magsasangla ng kanilang mga passport.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.