'Pagpatay sa mga lokal na opisyal, di sistematiko'

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2018 10:58 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Kinondena ni Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año ang sunod-sunod na kaso ng pagpatay sa mga lokal na opisyal sa bansa.

"We strongly condemn the killings of our local elected officials," sabi ni Año.

"Napakalungkot ito pero alam mo kapag ikaw nanungkulan bilang mayor, vice mayor, talagang ikaw ang mini president diyan, marami kang makakabangga at makakalaban sa pagpapatupad ng batas," aniya.

Iginiit ni Año na wala siyang nakikitang pattern o sistema sa naging pagpatay sa mga alkalde at bise alkalde mula nang maupo si Rodrigo Duterte bilang pangulo noong Hulyo 2016. 

Sa halip, mayroon lang daw mga nakikisakay sa pagpatay sa mga lokal na opisyal dahil nasimulan ito at para gumulo ang imbestigasyon.

"Dito sa Pilipinas, mayroon phenomena na kapag may pinatay na, halimbawa, pari, sunod-sunod 'yan, may pinatay na mayor, sunod-sunod, parang nakikisakay na kasi 'yong ibang grupo sa motibo ng iba para siguro maging magulo 'yong imbestigasyon," paliwanag ni Año.

May 10 alkalde at limang bise alkalde na ang naitatalang napatay sa loob ng dalawang taon.

Noong nakaraang linggo, tatlong opisyal ang napaslang, kabilang sina Tanauan City Mayor Antonio Halili ng Batangas, General Tinio Mayor Ferdinand Bote ng Nueva Ecija, at Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan ng Cavite.

Ayon kay Año, inatasan na niya ang mga pulis na dagdagan ang visibility sa lansangan at makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal na nakatatanggap ng mga banta sa buhay.

Nagbabala rin siya sa mga lokal na opisyal na may mga umano'y sabit.

"Hinihiniling ko rin 'yong mga mayor, kung mayroon man kayong ginagawang illegal o involvement sa ano mang sindikato, stop niyo na 'yan," ani Año.

LUMALA DAHIL KAY DUTERTE?

Sa pahayag ng Amnesty International Philippines sa Agence France-Presse, sinabi nilang bagaman hindi na bago ang karahasan sa bansa na may kinalaman sa politika, lumala ito dahil sa mga pahayag ni Duterte na tila nagpapalakas sa mga vigilante killing. 

Tinawag namang "highly speculative" ni presidential spokesman Harry Roque ang paratang.

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, mas tututukan nila ang kampanya kontra mga private armed group dahil sa mga karahasang may kinalaman sa politika.

Nasa 70 armadong grupo ang target ng mga police operation.

"Isa 'yon sa ating gagawin na intensified operations, 'yong crackdown on suspected private armed groups dito sa ating bansa," ani Albayalde.

Inutos din ni Albayalde sa kaniyang hanay na magtalaga ng mga pulis nang mas maaga sa mga itinuturing nilang "election hotspots" o lugar na mayroong karahasang dahil sa halalan. Ito'y bilang paghahanda para sa halalan sa susunod na taon.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.