Limitasyon sa termino ng mga inihalal, kinuwestiyon sa cha-cha draft

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2018 10:34 PM | Updated as of Aug 08 2019 11:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilabas na ang pinal na draft ng Consultative Committee (ConCom) para sa itinutulak na pagbabago sa Konstitusyon.

Pinuna agad ng isang kongresista sa panukala ang mistulang pag-aalis sa limitasyon sa posisyon ng mga kasalukuyang nakaupong opisyal ng gobyerno.

Sabi ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sa ilalim ng panukalang Saligang Batas ng ConCom, hindi kasamang bibilangin ang kasalukuyan at nakaraang termino ng mga opisyal gaya ng pangulo sa term limits na itinakda ng bagong Konstitusyon sakaling maaprubahan ito. 

Kapag nagkataon, puwedeng-puwede pa silang humirit ng dagdag na termino sa unang halalan sa ilalim ng bagong Saligang Batas sa Mayo 2022. 

"Hindi sinabi na si President Duterte disqualified. Therefore puwedeng-puwede siya tumakbo sa 2022, not once, but twice," ani Colmenares. 

Puna pa ni Colmenares, masyadong makapangyarihan ang transition commission ng ConCom draft na pamumunuan ng pangulo para mangasiwa sa aktuwal na pagbabago ng gobyerno.

"So technically itong commission na ito, will practically usurp the powers of the three branches of government," sabi ni Colmenares.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ayaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsilbi sa transition period sakaling maaprubahan ang federal government sa 2019 at bababa na siya sa puwesto.

Pagod na raw ang pangulo at mas nais na ihalal ng taumbayan ang mga magsisilbi sa transitory government.

Pinulong na ng pangulo ang ConCom para baguhin ang nakasaad sa transitory provision ng draft federal constitution kasunod ng pagsusumite sa kaniya ng pinal na bersiyon ng draft nitong Lunes.

PANUKALANG PAGBABAGO

Narito naman ang ilang ipinanukala sa bagong Konstitusyon:

• Federal government: 16 federated regions, Bangsamoro, Cordillera
• Senado: 2 ang iboboto sa bawat rehiyon
• Kamara: Limitado ang party-list sa mga kumakatawan sa peasant, labor, fisher folk, urban poor, indigenous peoples, political parties
• Tandem vote para sa president at vice president

Sa ilalim ng panukalang bagong Konstitusyon, magkakaroon ng 16 na federated regions, Bangsamoro, at federated region of Cordillera. 

Isa lang ang boto para sa pangulo at bise at na may apat na taong termino at puwedeng mahalal ulit.

May Senado pa rin pero tigalawa lang ang kinatawan kada federated region.

May Kamara pero kakaunti ang puwedeng maging party-list representatives.

May term limits ang AFP chief, PNP chief at commandant ng coast guard.

Pumalag naman ang Armed Forces of the Philippines sa pagbabawal sa unlawful at unreasonable surveillance, electronic man o sa ibang pamamaraan. 

Nakasaad dapat umano sa warrant ang dahilan ng surveillance, at kung kailan ito isasagawa.

"It might limit 'yong flexibility namin to really do our mandate. If you will be specific, there will be no exceptions," ani Gen. Carlito Galvez Jr., AFP chief of staff.

"To protect [from] unnecessary and unreasonable surveillance... the requirement of a surveillance warrant can be applied and can be served after the actual surveillance," ani Atty. Ferdinand Bocobo, miyembro ng ConCom.

Wala pang aksiyon ang Senado sa panukalang constituent assembly na inaprubahan ng Kamara noong Enero.

Sa panukala ng Kamara, federal din ang gobyerno pero magkakaroon ng prime minister na magiging head of government na ihahalal ng federal assembly mula sa mga miyembro nito.

Inaasahan din sa Kamara na charter change (cha-cha) ang babanggiting prayoridad ni Duterte sa State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 23.

Naniniwala ang ilang kongresista na aabot ang cha-cha bago mag-Halalan 2019 bagama't may duda rin kung payag ang Senado.

"On schedule kami, may version na rin ang Senate. Alam ko may counterpart proposed amendments na rin sila gaya ng amin plus input po na manggagaling ng presidente from the con-com e July pa naman next year, aabot 'yan bago mag-eleksiyon next year," ani ABS party-list Rep. Eugene Michael de Vera.

Ayon naman kay Senate President Tito Sotto, pag-aaralan muna nila ang draft ng ConCom.

"How can you adopt something you have not studied, reviewed or understood? Madali sa salita, mahirap sa gawa. Besides, knowing the President, he will not do that. He has never interfered with us. I doubt if he will interfere now," pahayag ni Sotto.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.