Tanod pinagbabaril sa Maynila, patay

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2016 08:37 AM | Updated as of Jul 09 2016 09:03 AM

MANILA - Walang habas na pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang barangay tanod sa Maynila.

Nakilala ang biktima na si Cristopher Granada, alyas Dagul, barangay tanod ng Barangay 199 Zone 18.

Sa kuha ng CCTV, nagpapahinga lang si Granada sa nakaparadang tricycle ka-kwentuhan ang isang lalaki nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki at pinaputukan ito sa ulo.

Ilang beses umanong pinaputukan ang tanod gamit ang baril na may silencer. Ang kasunod na motorsiklong may dalawang sakay na lalaki, bumaba at pinagbabaril din ito.

Nang matiyak na patay na ang lalaki umalis na ang mga bumaril.

Ayon sa mga nakakita, walang-plaka ang dalawang motor. Nakatakip naman ang mga bibig ng mga bumaril kaya hindi sila mamukhaan.

Kwento ng mga taga barangay, dating nakulong na si Granada dahil sa mga iligal na gawain gaya ng snatching pero sinusubukan na raw nitong magbago.

Ikinalulungkot nila ang nangyari sa kasama dahil kahit sino naman daw ay may kakayahang baguhin ang pagkakamali.

Nananawagan sila ng hustisya para kay Granada.