PatrolPH

Food packs ipinamigay sa mga binaha sa Banaue, Ifugao

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2022 06:11 PM

MANILA -- Nasa 500 food packs na ang naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa may 300 pamilyang apektado ng flashflood na nanalasa sa Banaue, Ifugao, ayon sa isang opisyal nito.

Ani Regional Director Arnel Garcia, may 1,000 food packs pa silang nakatakdang ibigay ngayong Biyernes.

Nasa 13 pamilya ang nasa evacuation centers sa kasalukuyan dahil sa pagbaha, sabi pa ng opisyal. 

Binaha ang ilang bahagi ng Banaue, Ifugao sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan nitong Huwebes ng hapon.

 

Sa Facebook Live ni Bayan Patroller Ruben Bunuan Jr. nitong Huwebes, makikita ang rumaragasang tubig sa lugar bandang 4 p.m.

Ayon kay Bunuan, nasa opisina siya bandang 2 p.m. nang magsimulang umulan. 

Nabigla umano sila na kanyang mga katrabaho at bigla na lang silang nakaamoy ng amoy kanal, kasabay ng sigawan ng mga tao sa labas. Aniya, dali-dali silang tumingin sa labas at nakitang baha na pala. 

Ayon sa residente, hanggang ngayong Biyernes, Hulyo 8, ay puno pa rin ng putik ang ilang kalsada sa Barangay Tam-an, Banaue, Ifugao.

Wala pa ring kuryente sa ilang bayan dahil sa mga natumbang poste. 

Sinuspinde na ni Mayor Joel Bungallon ang pasok sa eskwela at trabaho sa nasabing bayan para mabigyan ang mga residente ng panahong siguruhin ang kaligtasan ng kanilang mga bahay at pamilya. 

--may ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.