Bulkang Taal mula sa Talisay, Batnagas, Hulyo 7, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Pinaghahandaan na umano ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang "worst case scenario" sa Bulkang Taal matapos ang magkakasunod na maliliit na pagputok na naitala sa bulkan.
Sa ilalim ng "worst case scenario," kakailanganing ilikas ang nasa kalahating milyong residente.
"Ang worst case scenario kasi natin, 'yong violent eruption. So mas maraming kababayan natin ang maaapektuhan," ani NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad.
Kung itataas ang Alert Level 4 sa bulkan, kailangang ilikas ang mga nakatira sa loob ng 14-kilometer danger zone.
Malaking hamon umano ang paglilikas ng marami dahil sa pandemya kaya ikakalat ang mga evacuee sa iba't ibang probinsiya ng Calabarzon region.
"Mas mangangailangan tayo ngayon ng mas maraming evacuation centers. So pinaghahandaan 'yan. Gagamit tayo ng mga eskuwelahan mostly. 'Yong mga unoccupied housing projects ng NHA (National Housing Authority), hinahanda na rin," ani Jalad.
Sa monitoring ng Phivolcs, patuloy ang pag-alboroto ng Bulkang Taal mula nang itaas ito sa Alert Level 3 noong Hulyo 1.
Naitala ang panibagong pagputok nitong alas-7 ng umaga ng Huwebes, na lumikha ng 200 metrong taas na usok.
Samantala, para naman matugunan ang hinaing ng mga mangingisda, sinabi ng Office of Civil Defense-Calabarzon (OCD) na pumayag na ang Protected Area Management Board na magkaroon ng window hour mula alas-8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Sa window hours, maaaring bumalik ang mga lumikas na mangingisda para magpakain ng isda. Pero kailangan nilang umalis agad at bumalik sa evacuation center.
"Kailangan din namin balansehin kasi right now, there are really activities na kailangang gawin like emergency harvest noong mga fishes," ani OCD-Calabarzon Director Ma. Theresa Escolano.
— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, National Disaster Risk Reduction and Management Council, Taal, Taal Volcano, eruption, evacuation, window hours, TV Patrol, Dennis Datu, regions, Bulkang Taal, Taal Lake, Taal eruption, Taal update, Taal update, Taal update today, Taal latest eruption, Taal Volcano latest eruption, Taal Volcano latest,TV Patrol, Dennis Datu