MAYNILA - Kailangan pa rin ng negatibong resulta ng coronavirus disease RT-PCR test kung gustong pumunta sa Boracay, ang tanyag na beach destination sa Aklan.
Sa harap ito ng usaping discretion na ng mga lokal na pamahalaan kung papayagan ang pagpasok ng mga turistang fully-vaccinated na kontra COVID-19 sa kanilang mga lugar kahit wala nang negative RT-PCR test.
Sabi sa Teleradyo ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista na hindi sila makakatiyak kung totoo nga ang vaccination card na ipepresenta ng mga indibidwal na papasok sa isla.
"Kasi hindi natin masiguro, alam mo naman sa Boracay nakapasok nga 'yung mga peke na RT-PCR test result na. How sure are we naman na itong vaccination card ay hindi nila ma-tampered yan?" ani Bautista.
Maaalalang may mga kaliwa't kanang insidente na may mga nahuhuling namemeke ng kanilang RT-PCR test sa sikat na tourist destination na ikinaalarma na rin noon ng lokal na pamahalaan ng Aklan, kung saan napapaloob ang Boracay.
Binawi ng gobyerno ang utos kamakailan na alisin ang RT-PCR swab test requirement sa mga travel destination para sa mga fully-vaccinated na kontra COVID-19.
May ilan gaya ng Baguio City na nagpasya na payagang pumasok ang mga fully-vaccinated na indibidwal sa kanilang destinasyon dahil may paraan na umano sila para beripikahin ang ipinepresentang vaccination card ng mga turista.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Baguio City, Boracay, RT-PCR test, COVID-19 tests, Teleradyo, negative COVID-19 test, Philippine tourism, Boracay updates Philippines