PatrolPH

Labi ng mga piloto, crew ng bumagsak na C-130 plane dumating na sa Cebu

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2021 12:55 AM

MAYNILA—Dumating na sa Mactan Air Base sa Cebu nitong Miyerkoles ang mga labi ng 3 piloto at 3 crew ng bumagsak na C-130 aircraft sa Sulu.

Pasado alas-9 ng gabi lumapag na sa Brig. Gen. Benito N. Ebuen Air Base o Mactan Air Base sa Cebu ang mga labi ng 3 piloto ng C-130 na sina Maj. Michael Vincent Benolerao, Maj. Emmanuel Makalintal at 1Lt. Karl Joseph Hintay. 

Kasama rin ang mga labi rin ng kanilang crew na sina TSgt. Donald Badoy, SSg. John Neil Macapaz at Sgt. Jack Navarro. 

Lulan sila ng C-295 tactical military transport aircraft. 

Paglapag nito at paglabas ng mga casket, binigyan sila ng military honors ng mga kasamahan nila sa 220th Airlift Wing. Dinala sila sa Cebu bilang pagpupugay ng kanilang mother unit.

Matapos ang arrival honors, dinala sa St. Peter funeral homes ang mga labi para ayusin saka ilalagak sa chapel ng Mactan Air Base. 

Ayon sa public information officer ng 220th Airlift Wing na si Capt. Dancel Bacaycay, hindi pa matiyak kung hanggang kailan mananatili doon ang labi ng mga sundalo at nakabase ito sa desisyon ng kanilang mga pamilya. 

Tanging si Macapaz lamang ang taga-Lapu-Lapu City habang ang iba ay mga taga Luzon at Mindanao.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.