PatrolPH

Isa sa mga sundalong namatay sa C-130 plane crash, nailibing na sa Zamboanga del Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2021 02:16 PM

Isa sa mga sundalong namatay sa C-130 plane crash, nailibing na sa Zamboanga del Sur 1
Larawan mula kay Jestoni Pastias

Nailibing na nitong Miyerkoles ng madaling araw ang mga labi ni PFC Christopher Rollon, isa sa mga namatay sa C-130 plane crash sa Sulu, sa isang public cemetery sa Pitogo, Zamboanga del Sur.

Isa si Rollon sa 19 biktima ng pagbagsak ng military aircraft na natukoy na ang pagkakakilanlan.

Binawian ng buhay ang naturang miyembro ng Philippine Army habang nagpapagaling sa ospital dahil sa natamong sugat mula sa trahedya noong Linggo. 

Ayon sa ulat ng local health office, nagpositibo rin si Rollon sa COVID-19. 

Nahirapan ang pamilyang i-uwi sa kanilang probinsya ang labi ni Rollon, pero kalauna'y pinayagan rin sila ng mga awtoridad.
 
Anila, bahagi kasi ng protocol sa lungsod na kailangang ilibing agad ang isang pasyenteng nag-positibo sa COVID-19 para hindi kumalat ang sakit. 

Sa mga sakay ng bumagsak na C-130, 12 ay mula sa Philippine Air Force at 84 ay nasa Philippine Army. 

Nasa 30 sa mga namatay ang kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng DNA tests at pagsusuri gamit ang dental records. 

Nananatili namang 49 ang bilang ng mga sundalong namatay, paglilinaw ni Sobejana nitong Miyerkoles, matapos niyang sabihin noong Martes na umakyat na ito sa 50. Nagkaroon daw ng "double count", aniya.

May tatlong sibilyan rin na nakatira sa pinagbagsakan ng eroplano ang nasawi.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.