Pangarap ng 14 anyos na namatay sa C-130 crash sa Jolo, Sulu na maging sundalo, paglalahad ng kaniyang ina.
Si Tan Hakam, kasama ang 17 anyos na kuyang si Jemar ay kapwa namatay nang mabagsakan ng C-130.
Namatay din ang lola nila na noo’y dadalhan pala sana ng pagkain ng magkapatid.
Kuwento ng ina na si Serma, noon pa man ay sinasabi ni Tan na magsusundalo siya para maglingkod sa bayan.
Gustong makatulong ang anak ni Serma dahil nagkasakit ang kanilang ama kaya namasukan silang taga-tiktik ng bato malapit sa lugar na pinagbagsakan ng eroplano.
"Gusto nya pong makapagtrabaho para makapagbigay sa pamilya po," ani Serma.
Sa lilim ng puno malapit sa kanilang bahay inihimlay ang magkapatid, kasama ang kanilang lola.
Naiwan kay Serma ang mas batang anak na babae.
Naghatid na rin ang Philippine Red Cross ng ayuda para sa pamilya, gaya ng ginawa ng militar at lokal na pamahalaan nitong mga nagdaang araw.
— Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, C-130 crash, C-130 crash update, soldier, sundalo, Patikul, Sulu, aksidente, plane crash, C-130 plane crash victims